Ang IRM ay nagsimula noong Marso 1992 bilang IEMELIF REFORM MOVEMENT na binubuo ng humigit kumulang sa isang daang manggagawa (Pastor, Diakonesa at Volunteer Worker). Sa kanyang simula ito ay may kabuoang 111 kongregasyon at misyon. Sa pagiging isang Movement ay nagpatuloy sa kanyang paglago hanggang sa ito ay maipatala bilang isang Relegious Corporation sa Securities and Exchange Commission (SEC) noong ika-9 ng Hunyo 2010 sa pangalang I Am Redeemer And Master Evangelical Church, Inc.
Mula noong 1992 hanggang Disyembre 2012 ay nasa Beulah Land Center, Novaliches ang National Office at ang IRM Bible College. Noong Enero 2012 ay lumipat sa 351 Tandang Sora Ave., Pasong Tamo, Quezon City ang National Office at IRM Bible College. Ang buong compound na nilipatan ay loteng donasyon ni Sis. Quintina Salvador at ang bahay sambahan, Bible College at National Office ay ipinagawa ni Consul Eduardo L. De Guzman katuwang ang kanyang pamilya.
Ang IRM ay nasa ilalim ng makaya at matagumpay na pangunguna ni Bishop Reynaldo C. Domingo sa loob ng dalawampung taon (1992-2012)
Ang sumunod na General Superintendent ay si Bishop Benito E. Eisma, na kung saan ay nagsimula ang pagsasagawa ng G12 Strategy sa IRM, at nagsagawa ng mga pagsasanay at mentoring sa buong kalaganapan. Ang kanyang pamamahala sa IRM ay tumagal ng walong taon (2012-2020).
Ang pangatlong General Superintendent at Obispo ay si Bishop Nehemias R. Martin, na nagsimulang manungkulan noong Marso 13, 2020. Kasabay ng pandemic quarantine ang kanyang panunungkulan. Salamat sa gabay at pagpapala ng Panginoon, na sa panahon ng pandemic ay naranasan ng IRM mayamang probisyon sa mga pangangailangan ng denominasyon.
Ngayon ay ipinagdiriwang ng IRM ang ika-30 taon ng pagmiministeryo na kung saan ay umabot na sa mahigit na apat raang (400+) kongregasyon at mission churches. Sa kasalukuyan ang IRM ay may mahigit na anim na raan at animnapu’t lima (665) pastor, diakonesa at ministry assistant. Noon ang IRM ay matatagpunan lamang sa Luzon, ngunit ngayon ang mga kongregasyon at misyon nito ay lumaganap na sa Luzon, Visayas, Mindanao at ibayong dagat. Ang IRM sa paggabay at probisyon ng Makapangyarihang Diyos ay patuloy pang palalaguin Niya, higit pa sa naabot nito sa loob ng tatlumpong taong nakaraan. Purihin ang Panginoong Jesu Cristo.